PinoyWeekly: Tagumpay ng student-bloggers at malayang pamamahayag

Ni ANTHONY IAN CRUZ
Pinoy Weekly
Enero 18, 2009

MATAPOS magreklamo ang ilang magulang, pinigilan na ng panrehiyong tanggapan ng Department of Education-National Capital Region ang parusang sampung araw na suspensyon na ipinataw kamakailan sa apat na estudyante ng Quezon City Science High School (QCSHS).

Nakatakda sanang ipatupad ang suspensyon sa mga estudyante simula ngayong Lunes, Enero 19, bilang parusa sa mga sinulat na artikulo sa kanilang mga blog na tumutuligsa kay Dr. Zenaida Panti Sadsad, punong-guro ng paaralan.

Ipinaliwanag ni DepEd NCR director Teresita Dimalanta sa GMA News noong Biyernes na pinigilan ng ahensya ang suspensyon para bigyang-daan ang kanilang sariling imbestigasyon.

May pag-apruba ng DepEd?

Sa isang panayam, sinabi ng isa sa apat na estudyante sa sila ay sinuspinde sa utos mismo ni Dr. Sadsad, at may pag-apruba ito ng pamunuan ng DepEd sa dibisyon ng Quezon City.

Ayon sa estudyante, pinarusahan siya dahil sa pagtuligsa niya sa kanyang blog sa pamamaraan ng pagtuturo ng ilang guro, at sa pagpahayag ng panawagan ng maraming mag-aaral na tanggalin na sa puwesto si Dr. Sadsad.

Ang blog ng nasabing estudyante ay “for private reading” sa Multiply.com at mababasa lamang ng kanyang mga kaibigan.

Nagsimula ang mga protesta at pagtuligsa ng mga estudyante noong Setyembre 2008 matapos diumano’y pigilan ni Sadsad ang tradisyunal na isang linggong pagdiriwang ng anibersaryo ng QCSHS.

Biglaan din diumanong tinanggal ni Sadsad ang buong staff ng mga pahayagang Electron at Banyuhay noong Hunyo 2008 at pinalitan ang gurong tagapayong si G. Rex San Diego.

Kinondena din ng estudyante ang balitang panunuhol kay Sadsad mula sa pamilya ng isang estudyanteng di pumasa sa entrance examinations ng QCSHS.

‘Wala sa student handbook’

Ayon sa ama ng biktima, ang sinasabing mga paglabag na ibinibintang sa kanyang anak ay wala saanman sa student handbook ng paaralan. Kinondena din niya ang di pagrespeto ng administrasyon sa karapatan ng kanyang anak sa due process.

Para naman sa kanyang ina, itutuloy ng kanilang pamilya ang paglaban sa administrasyon.

Ayon sa kanila, haharap ang apat na estudyante, mga kapwa magulang at alumni sa isang press conference sa Martes sa Quezon City.

Ayon sa ina ng biktima, nagmura si Sadsad sa unang pulong na pinatawag ng punong-guro noong isang taon. Ginamit din umano ni Sadsad ang mga printout ng blogs sa paghampas sa mesa sa harap ng mga magulang na kanyang inimbitahan sa QCSHS.

Dinagdag pa ng ina na matapos pumutok ang balita sa midya, nagpadala na ng “feelers” si Sadsad na iuurong na ang suspensyon kung hihingi ng tawad ang kanyang anak at mangangakong hindi na muli susulat ng panunuligsa sa kanyang administrasyon.

Sinubukan ng Pinoy Weekly na kunin ang panig ni Sadsad ngunit hindi ito makontak.

Suporta sa mga estudyante

Mula sa London, Gran Britanya, nanawagan si QCSHS alumnus Rafael Joseph Maramag sa isang bukas na liham sa lokal na pamahalaan ng Quezon City at sa DepEd na imbestigahan si Sadsad, sa halip na ang mga estudyante.

Ayon kay Maramag, “sa kanyang lantarang pag-abuso sa kapangyarihan, si Sadsad pa nga ang dapat suspindihin o kaya ay ipatapon mula sa paaralan.”

Nagpahayag naman ang College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ng pagsuporta sa apat na estudyante at hinamon ang QCSHS at DepEd na respetuhin ang konstitusyunal na karapatan ng mga estudyante sa
malayang pamamahayag.

Ayon kay Vijae Alquisola, pangulo ng CEGP, dapat ikonsidera ng DepEd ang mga epektong emosyonal, sosyal at sikolohikal ng naunsyaming suspensyon sa mga estudyante. ###

1 Comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.