Sa totoo lang, tuloy pa rin ang inspection, pagnanakaw at pambabastos ng Customs sa mga balikbayan box. Bakit? Dahil di naman inatras ni PNoy ang inutos nitong P600-milyong target para sa Customs. Kukunin ito ng Customs mula sa mga balikbayan box na mapapatunayang sangkot sa “smuggling”. (Gagamit lang sila ngayon ng aso at x-ray machine para mukhang may paggalang.)
Plano pa rin ni PNoy at ng Department of Finance na dagdagan ang customs duties sa bawat container na nagdadala ng balikbayan box. Wala namang inatras dito. At dahil tataas ang gastos ng cargo forwarders, malamang na malamang na tataas ang bayad sa pagpapadala ng balikbayan box.
Kaya tama lang at may dahilan para magalit at umangal ang mga OFW.
Tamang paraan
Una, dahil di madali mag-absent sa trabaho ng DH, nurse, construction worker o teacher.
At pangalawa, dahil di naman yung pinagtatrabahuhan abroad ang problema ngayon.
Ang problema ngayon ay yung gobyernong may obligasyong protektahan ang OFW, pero taliwas ang gustong gawin.
Tamang panahon
Posible, kung gugustuhin nila at makakapagtiis ang mga pamilya. Ngayon ay gusto nila at handang magtiis ang pamilya — dahil importante para sa kanila ang isyung sinisimbolo ng balikbayan box.
Sa Zero Remittance Day, nagsasakripisyo ang OFW at pamilya nila ng isang araw para magpadala ng malinaw at malakas na mensahe sa gobyerno: Igalang niyo kami at ang malaking kontribusyon namin sa ekonomiya.
Sistemang adik sa OFW remitances
May isa pang silbi ang Zero Remittance Day: Binabasag nito ang imbentong kwento ng kaunlaran na tinatamasa na daw ng Pilipinas.
Nito lang January hanggang April 2015, $8.6-billion ang remittance ng mga OFW na pumasok sa ekonomiya. Noong 2014, $26.92-billion ito. Noong 2013, $25.35-billion.
Mga ekonomista na ang nagsabi: Ang OFW remittance ang salbabida ng ekonomiya. Kung wala ang OFW, matagal nang patay ang ekonomiya. Pwedeng tumakbo ang foreign investors at maglabas ng pera nila ang mga bilyonaryong Pilipino, pero nandyan pa din ang OFW na nagtataguyod ng pamilya at bansa.
Dahil sa totoo lang, hindi kaya ng Pilipinas na mawala o mabawasan ang OFW remittances. Adik di lang sa foreign debt at foreign investments ang ekonomiya ng Pilipinas, kundi sa OFW remittances. Sa sobrang grabe ng adiksyon, may mas maraming patakaran at programa na nagtutulak pa talaga na manatiling OFW ang marami at madagdagan pa taon-taon — kesa patakaran at programa na magbubukas ng pagkakakitaan at maayos na pasahod sa Pilipinas.
Alam ng OFWs ang totoong kwento ng Daang Matuwid: Masarap pakinggan pero di totoo. Kaunlarang di nila dama at di dama ng pamilya nila.
Dadating ang panahon na “choice” na lang talaga ang maging OFW. Pero di pa yun ngayon. At hangga’t malaganap sa Pilipinas ang joblessness, mababang pasahod, landlessness at maraming hadlang sa entrepreneurship, libo-libo pa rin ang aalis ng Pilipinas araw-araw. May OFW remittances pa rin na ipapadala para sa mga pamilya at mapupunta sa mismong “maunlad” na ekonomiyang walang mabigay na disenteng trabaho para sa kanila at nagtutulak sa kanila na makipagsapalaran abroad.
Hindi nagpapasarap abroad ang mga OFW. Mahaba ang mga araw na subsob sa pagtatrabaho para lang kumita. May mga di nagagamit ang pinag-aralan sa mga trabahong napag-aplayan pero kailangang kumita. Mahirap mag-ipon habang may tinataguyod na pamilya at bansa. Madalas, walang natitira sa sweldo. May mga isyu pa sa maraming bansa na kontra sa mga migrante na tulad nila. May mga bansa pang may mga umaatake sa mga migrante o kaya ay may gera. Sa gitna ng mga ito, nandyan si PNoy na gusto silang gatasan ng P600-milyon — sukdulang buksan, halughugin, hayaang manakawan at buwisan pa ang balikbayan box. Di na nga nakakatulong ang gobyerno, ito pa ang mamemerwisyo at mambabastos sa kanilang pinaghirapan.
Sa totoo lang, bagaman exempted sa income tax ang OFWs, ang daming bayarin na pinapapasan sa kanila. Ilang beses na mas mataas na passport renewal fees pag nasa abroad, OEC fees, mga bayarin sa OWWA at POEA, terminal fees, at mismong OFW remittances ay pinapatawan pa ng documentary stamp tax. Ito yung background ng galit ng OFWs sa balak na pagtaas ng customs duties sa container vans na nagdadala ng balikbayan box, sa inspeksyon ng mga balikbayan box at sa P600M na balak kulimbatin mula sa “smuggling” daw sa balikbayan box.
Tuloy dapat ang protesta hangga’t di inuurong ang P600-milyon na Customs target mula sa mga balikbayan box.
Kaya walang alinlangan at walang pag-aatubili nating suportahan ang Migrante International at Migrante Partylist: Tama lang ang Zero Remittance Day. Ito ang tamang panahon at paraan.