Dear PNoy,
Nakakagulat naman na ang sikat at pinagkakatiwalaang presidente namin – ayon sa mga survey – ay magsasalita ngayong gabi. At sa sobrang napakaimportante pa yata, mukhang ipe-preempt ninyo ang mga paborito naming telenovela at iba pang palabas sa TV.
Sana ay worth it itong gagawin niyo. Pakisugurado pong kapani-paniwala yung mga sasabihin niyo. Sana ay di mala-telepantasya yung script na babasahin ninyo para sulit naman yung pag-preempt niyo sa mga telenovela. (Sana maging Honesto kayo at ‘wag kontrabida, ok?)
Di po namin alam kung ganoon na kayo kakabado kaya gusto niyong maging Primetime King. Anyway, buhay po ninyo yan. Sana ay basahin niyo ito para magkalinawan.
Nakakasindak po talaga ang mga pangyayari e. Di po ninyo naiintidihan yung galit namin sa paglulustay ninyo sa pondo ng bayan. Do po ninyo naiintidihan yung sinasabi naming dapat niyong gawin imbes na ipagtanggol pa yang bulok na pork barrel system na pinagkakakitaan lang ng mga trapo.
Nagsalita na po kayo ng ilang beses tungkol sa PDAF, kesyo gusto niyo ding ipa-abolish at kesyo kakampi niyo kaming lahat. Kesyo mabuti yang DAP na inimbento po ninyo para sa pag-unlad ng bayan. Kesyo nagpapaniwala lang po kami sa ibang kawatan tungkol sa maanomalyang DAP.
Di po namin alam kung saang litsunan po kayo madalas pero ito po ang tanong namin sa inyo: Saan po ba kayo kumukuha ng tigas at kapal ng mukha sa pagsasabi niyan?
Una po sa lahat, inamin niyo na rin sa FOCAP forum na wala kayong magagawa para baguhin yung maling sistema ng mga trapo na umaasa sa pork barrel para lokohin ang publiko na kesyo mahusay sila at dapat iboto muli. Ang haba pa po ng paliwanag niyo pero dito din lang ang tuloy: Ayaw niyong baguhin at tanggalin yung maling sistemang ito. Sinusuportahan niyo ang mga trapo, kaya wala na rin kayong pinag-iba sa kanila.
Pangalawa, ano na po ang nangyari sa bilyon-bilyong Malampaya funds? Di po ba Tanggapan ng Pangulo ang namamahala ng pondong yun? Aba eh, di na raw mahanap ng mga matatalinong cabinet members ninyo. Ganun na lang po ba yun?
Pangatlo, ito pong DAP na inimbento po ninyo ay pork barrel din. Batay po sa kapritso niyo ang pagbibigay. Eh ano po ngayon kung isang Jinggoy Estrada ang nagbunyag nito? Aba eh, kapag nagkabukuhan po talaga ang mga magnanakaw, may mga nagiging singing superstar. Anu’t anuman po ang sabihin niyo, ginamit po ang DAP ninyo bilang pabuya matapos ang Corona impeachment.
Pang-apat, tungkol pa rin po diyan sa DAP na pinagmamalaki niyo na isang dahilan kung bakit umunlad ang ekonomiya. Ang tawag po dito ay “tangkang panggigisa sa sariling mantika”. Di po powede. Kung may iniunlad ang ekonomiya natin, utang po natin yun sa mga mahuhusay at masisipag na Pilipino na talaga namang pinaghirapan yang economic achievement na yan. May mga nag-oovertime, may nagsasideline, may nag-a-abroad, may nag-iinvest para po mapagmalaki niyo yan. Speaking of abroad po, naku, pasalamatan niyo naman po yung mga OFW. Yung remittance po nila ang salbabida ng mga pamilya at buong ekonomiya natin.
Pang-lima, tungkol po sa PDAF, ano na po ba talaga? Na-abolish na po ba o binago niyo lang ang pangalan? Itinago sa isang bagong process na kayo rin ang may kontrol? Malaganap po ang balita na maraming Liberal Party congressmen ang nakangisi nang aprubahan yung budget ninyo. They brought home the bacon and the lechon daw e. Itinago lang sa magarbong proseso.
Pang-anim, paki-explain po sana ang napaka-special na welcome na binigay niyo kay Janet Napoles sa Malacanang nung sumuko siya. Napakasosyal naman po talaga ni Napoles. Susuko lang, sa Presidente pa mismo. Presidential spokesman pa ang nakipagnegotiate, kasama pa ang presidente sa convoy na nagdala sa Crame. Kahit saang simbahan, mosque o templo po tayo magpunta, napakakwestyonable po ng ganitong treatment para sa isang kawatan. Di po namin alam kung signal po yun sa DOJ na wag siyang masyadong ugain o galawin. O signal na malaganap po ang katangahan at kapalpakan sa Malakanyang.
Hinalal po kayo bilang Pangulo para maglingkod at dahil na rin sa pangako niyong pagbabago. Sana po walang pakapalan ng mukha tungkol sa pork barrel. Mali, luma at di epektibong paraan ng paggastos ng pera ng bayan ang pork barrel system – PDAF, DAP o Malampaya man yan. Mga trapo lang po na tulad niyo ang nakikinabang dyan.
Wag na wag po ninyong gagamitin yung mga tinatawag na PDAF scholars o mga indigent patients ha. Kung tama lang yung pag-allocate niyo ng budget, wala pong Pilipinong magmamakaawa o manlilimos para sa pondong pang-edukasyon at pangkalusugan na dapat naman talaga ay mabigay sa kanila.
Kung totoong gusto niyo ng pagbabago o pump-priming ng ekonomiya, sundin niyo kaya yung Constitution?
I-prioritize niyo yung budget para sa education. Kailangan pa bang i-memorize yan? Pag nakakapag-aral ang kabataan, mas tiyak ang pag-unlad nila at mga pamilya nila.
I-prioritize niyo din yung land reform at pagtulong sa mga magsasaka para may sapat na pagkain na ma-produce at di yung nakaasa tayo sa imports.
I-prioritize niyo po yung mga public hospitals. Grabe naman po yung mala-PBB eviction sa Philippine Children’s Medical Center. Naturingang premiere government hospital para sa mga paslit, pinapalayas sa kinatitirikan ng hospital nila.
I-prioritize niyo din yung mass transport para di na mainsulto ang NAIA, at para tuloy-tuloy yung subsidy para sa mga pasahero ng MRT at LRT. (By the way, looking back po sa SONA ninyo kung saan buong tapang niyong pinagtanggol yung MRT/LRT fare increase, in fairness naman po sa amin, ibuhos niyo po dun yung ibang nasa pork barrel ninyo para di na kailangan magtaas ng pamasahe – tutal may pera naman at bilang pabuya sa kasipagan ng mga Pinoy workers na nagbunga ng economic achievements!)
Anyway, Mr. President, marami pa po kaming gagawin. Maghahanapbuhay pa po kami para matustusan yung pamumuhay namin at para sa rasyon ninyo in the form of taxes. Maya-maya, kakain kami sa Jollibee o mamimili sa grocery, may pandagdag pantustos na naman sa inyo din.
Nagmamahal,
Ang mga tinatawag niyong Boss pero di naman yata
P.S. Mr. President, dahil binasa niyo na rin hanggang dito, pwede po bang makiusap na maging mas matapang kayo? Pwede po bang ipag-utos sa Liberal Party members sa House na madaliin ang pagpasa sa Freedom of Information Bill? Pumasa na po sa Senate yun e. Ayaw naman po namin na kapritso na naman ang basis ng paglalabas ng information tungkol sa gobyerno at kung paano nilulustay, este, ginagastos yung pondo ng bayan. Mas maganda kung may FOI. Kung ayaw po ninyo nitong FOI, aba eh paki-explain na lang po.