Pagsusog sa Reklamo Hinggil sa Pagpapatalsik sa Katungkulan ng Gng. Gloria Macapagal-Arroyo
Pananalita ni Rep. Luzviminda C. Ilagan
Kinatawan ng Gabriela Women’s Party
sa Pulong ng Komite sa Katarungan
Kamara de Representantes
Ika-24 ng Nobyembre, 2008
Mr. Chairman, sa Mindanao, kung saan ang kinatawang ito nagmula, daandaang kaso ng paglabag sa karapatang pantao at Konstitusyon ng Pilipinas ang kinasasangkutan ni Gng. Gloria Macapagal Arroyo.
I. Human Rights Violations
Sa loob ng panunungkulan ni Gng Arroyo, mayroong dalawang daan at tatlumpu’t walo (238) na kaso ng extrajudicial killings, apatnapu’t pitong (47) kaso ng enforced disappearances, at tatlumpung (30) kaso ng political imprisonment sa Mindanao. Hanggang ngayon patuloy ang pagpaslang sa mga sibilyan. Ang pinakahuli ay pinatay sa Compostela Valley at Tagum City noong nakaraang linggo lamang. Ang mga ito ay inosenteng sibilyan: mga magsasaka, taong simbahan, taga media, abogado, duktor, aktibista, at miyembro ng mga lehitimong, progresibong organisasyon. At halos lahat ay mga kritiko ng administrasyong Arroyo.
Si Angie Ipong, 56 years old, dating guro at lay missionary, siya’y pwersahang hinuli ng mga taong nagpakilalang miyembro ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group, nang walang warrant, noong Marso 2005. Siya ay tinorture, dumanas ng pang-aabusong mental at sekswal, at pinaaming lider ng mga rebelde. Hawak pa rin siya hanggang ngayon ng militar.
Si Celso Pojas, tagapagsalita ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ay binaril sa harap ng kanilang tanggapan noong May 15, 2008. Aktibo siya sa kampanya hinggil sa pagpapatigil sa opensiba ng militar sa Davao Oriental.
Ang Regional Coordinator din ng Anakpawis Partylist na si Renato Pacaide ay pinatay noong ika-2 ng Marso, 2007. Si Datu Dominador Diarog na isang lumad lider ng Guianga, Tugbok, Davao City ay pinaslang noong ika-29 ng Abril 2008.
At sino ang makakalimot kay Grecil Buya, isang Grade II pupil, siyam na taong gulang, pinaslang at unang binansagan na child soldier. Nang sinabi ng kanyang mga guro na isa siyang honor student at inosenteng bata, agad umamin ang mga sundalo na sila ay nagkamali. Subalit, hanggang ngayon, hindi pa rin nareresolba ang kaso ng kawawang si Grecil. Hindi pa rin napaparusahan ang mga nagkasala.
Wala, ni isa sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa Mindanao ang nabigyan ng hustisya. Takot ang umiiral lalo na sa mga lugar na pinagpupugaran ng militar.
Ang pagdating ng United Nations Special Rapporteur Phillip Alston sa Davao noong 2006, para pakinggan ang mga hinaing ng mga biktima ay nagbigay ng kaunting pag-asa na makamit ang katarungan. Kahit takot na takot ay nagprisinta ang mga kaanak ng mga biktima ng kanilang mga testimonya sa kabila ng kanilang pangamba na balikan sila pagkatapos ng kanilang pagtestigo, ay nagkatotoo. Si Sichi Bustamante-Gandinao, isa sa tumestigo sa imbistigasyon ni Prof. Alston, ay pinatay matapos tumestigo.
Mula 2001 hanggang ngayon, sa loob ng pitong taon, ano ang ginawa ni Gng Arroyo upang papanagutin ang mga may sala? Pagkatapos ng 238 na pinatay, sa Mindanao lamang yan, 47 na nawala at 30 na illegal na pagkulong, may utos ba na imbestigahan man lang ang mga ito?
Pagkatapos mabuo ang Melo Commission dahil sa pressure mula sa ibat ibang human rights groups sa loob at labas ng Pilipinas, bakit sapilitan pa ang paglabas ng rekomendasyon nito? Nang lumabas ang resulta ng binuo mismo ng Komisyon ng Malacanang, napatunayang si Gen. Jovito Palparan ang responsable sa mga pagdukot at pagpaslang sa mga indibidwal na tinitingnang mga kritiko at kaaway ng administrasyong Arroyo. Subalit, sa halip na papanagutin, batay sa rekomendasyon, pinuri at pinasalamatan pa sa kanyang State of the Nation Address noong 2006. Hindi maipagkakaila na alam at kinunsinti ni Gng Arroyo ang mga paglabag sa karapatang pantaong ito.
Ginamit ni Gng Arroyo ang counter insurgency program upang tugisin, dukutin at patayin ang mga karaniwang mamamayan. Ginamit ang pondong ito para sa pagsasakatuparan ng Oplan Bantay Laya, na nagpapatunay ng kanyang malaking suporta at pagbibigay ng lisensya para sa pagsasakatuparan nito. Lantaran ang pagayuda sa mga opensibang militar sa pamamagitan ng paghuli ng walang warrant, pagtorture at iligal na pagpapakulong.
Sa ilalim ng Principle of Command Responsibility, si Gng Arroyo, bilang Commander in Chief of the Armed Forces of the Philippines, ay may pananagutan sa mga paglabag sa karapatang pantao. Hindi ba’t si Gng. Arroyo ang mastermind sa mga krimeng ito?
II. Civil Liberties [CPR]
Nang lumakas ang boses ng mga kritiko, nang tumindi ang panawagan na siya ay magbitiw na, kanya namang ipinatupad ang Calibrated Preemptive Response o CPR, upang supilin ang malayang pamamahayag ng mamayan. Maraming mga legitimong pagtitipon ang winasak ng mga kapulisan ayon sa utos ni Pres. Arroyo sa ilalim ng kanyang CPR. Marami rin sa ating mamamayan ang nasaktan o nasugatan at iligal na inaresto sa pagpatupad ng CPR. Nilalaman ng ating Saligang Batas na sino man ay may karapatan at malayang makapagtipon at magpahayag ng kanilang saloobin. Dineklara ng Supreme Court na unconstitutional ang Calibrated Preemptive Response kung kaya’t nilabag ni Gng. Arroyo ang ating Saligang Batas. Dagdag pa, dahil sa unconstitutional ang CPR, nilabag na rin ni Pres. Arroyo ang mga karapatan ng biktima ng CPR at dahil sa paglabag na ito, hindi lang may sustansya o substance ang paratang sa kanya, dapat pa siyang ma impeach.
III. Proclamation 1017
Hindi pa nasiyahan si Gng. Arroyo, isinailalim ang buong bansa sa isang State of National Emergency nang ipataw ang Presidential Proclamation 1017. Nagbigay ito sa kanya ng kapangyarihan na gamitin ang Sandatahang Hukbo ng Pilipinas upang pigilan ang mga mass actions o pagkilos na tumutuligsa sa kanyang pamahalaan. Ito ang ginawang dahilan upang ipakulong ang ilan niyang mga kritiko (ilang halimbawa sina Ka Crispin Beltran, Randy David, at iba pa) at takutin, i-harass o bantaan ng pagpapakulong at ihabla ng kasong rebelyon ang mga lider ng people’s organizations sa ibat ibang parte ng bansa, kabilang na ang mga mambabatas ng progresibong partylist. Ito’y mga klarong paglabag ng karapatang pantao ng mga biktima, at paggamit ng poder at mga rekurso ng gobyerno, sa pamamagitan ng pag-issue ng emergency proclamation, hindi sa kadahilanang lehitimo kundi para sa pansariling interes ni Gng. Arroyo—para mapatahimik ang mga nag-poprotesta o mga kritiko niya. Ibinasura din kalaunan ng korte ang mga gawa gawang kasong ito ng walang makitang batayan sa mga bintang. At diniklara ng Korte Suprema na walang dagdag na poder ang pangulo sa ilalim ng kanyang emergency proclamation para labagin ang karapatang pantao ng mamamayan. Ang mga ginawang ito ng Presidente Arroyo, lalo na ng pag abuso sa poder para labagin ang karapatang pantago, ay isang impeachable offense, at nag bibigay sustansya sa complaint na ito.
IV. EO 464
Nang magkaroon ng mga imbestigasyon at singilin ang taong bayan ang kanyang pananagutan, ginamit ang Executive Order 464, upang pigilan ang mga pinatawag na matataas na opisyal sa pagsiwalat ng katotohanan sa publiko. Ito ay pag-abuso sa poder para sa personal na interes ni Pres. Arroyo para makitil ang katotohan sa kanyang mga krimeng graft and corruption, na pinalala ng pagdeklara ng Korte Suprema ng unconstitutionality ng mga batayan, kung kaya, hindi lang may substance ang mga paratang sa kanya, siya ay dapat ma impeach para mabigyan ng oportunidad ang publiko na siya ay papanagutin sa mga paglabag na ito.
V. Ipinagkanulo niya ang tiwala na iginawad sa kanya ng sambayanan bilang isang Pangulo
Ang pagkakanulo ay kanyang naisagawa nang kanyang ibenta ang likas na yamang ginto ng ating bansa sa Zhongxing Technology Equipment International Investment Ltd., na mas lalong kilala sa pangalang ZTE. Sa pamamagitan ng isang kasunduan noong July 12, 2006 naglalagay sa pagkalugi ng ating bayan na pinangunahan ni Secretary Peter Favila, ng Department of Trade and Industry. Inayunan ni Gng Arroyo ang kasunduan para sa eksplorasyon, pagpoproseso hanggang sa paggamit ng mga minahan sa Bundok Diwalwal, Compostela Valley.
Ang maliliit na minero at ilang mga kumpanya ng pagmimina sa Bundok Diwalwal ay nauna nang pinatigil ng Pamahalaang Arroyo sa kanilang pagmimina habang nililitis ang ilang mga usapain hinggil kung sinu-sinu ang nararapat na magkaroon ng karapatang magmina sa Bundok Diwalwal.
Ang lahat ng Kalihim ng ating Pangulo, ay tinatawag na kanyang alter ego, kung kaya’t ang lahat ng mga desisyon at galaw ng Kalihim na nakasaad sa kanyang tungkulin bilang Kalihim ay tinatanggap sa ilalim ng ating mga batas, bilang mga desisyon at pagkilos, mismo ng ating Pangulo.
Ang Mt. Diwalwal ay tinaguriang pinakamayaman sa ginto sa buong bansa at maaring sapul sa buong mundo. Ito ay binubuo ng 8,100 ektaryang nasasakupan at bahagi ng isang forest reserve na kinabibilangan ng ancestral domain. Ang taglay nitong ginto ay tinataya sa dalawang milyon metriko tonelada na nagkakahalaga ng higit kumulang sa isang bilyong dolyar.
Ayon sa kasunduan, 90% na bahagi ng pagmimina ay ipinagkakaloob sa ZTE habang ang sampung porsyento (10%) lamang ang parte ng ating gobyerno. Ang paglagda ng kasunduan ay isinakatuparan sa harap ni Michael T. Defensor, na noon ay Chief of Staff ng Tanggapan ng Pangulo at dating Kalihim ng Department of Environment and Natural Resources.
Ang mga kinatawan ng ZTE International Investment Ltd. na lumagda sa kasunduan ay sila din ang kumatawan sa kasalukuyang kontrobersyal na maanomalyang kontrata na nagkakahalaga ng $329 million. Ang kumpanyang ito ay walang masasabing karanasan sa pagmimina, kung kaya’t ito ay hindi karapat-dapat na pagkatiwalaan ng ating gobyerno lalo na sa linya ng pagmimina.
Napagalaman lamang sa panahong dinidinig sa senado and ZTE- NBN noong Marso 2008, ayon kay Sec Peter Favila na mayroong limang (5) proyekto ang ZTE dito sa bansa. Dalawa (2) dito ay and kasunduan sa pagmimina sa North Davao at itong Diwalwal, Compostela Valley. Sa kanyang pagpirma sa kasunduan noong 2006 sa Guandong, China ay may kapalit na $4 bilyon na utang mula sa ZTE. Ginanap ang pirmahan sa harap ng pangulo ng ZTE na si Yu Yong, Michael Defensor dating Chief of Staff ni Gng. Arroyo at ZTE Chairman Hou Weigui.
Apat na kumpanya ang orihinal na kinokonsidera upang humawak ng proyektong ito. Subalit ngayon, ang kumpanyang Geograce Resources Phils. Inc. kung saan ang Pangulo ay si Jerry Angping, ang Chair ay si Renato Puno at direktor naman si Mike Defensor, ang siya nang mangangasiwa sa kasalukuyan sa kontrata.
Ang kasunduang ito, sa pagiging di nito makatwiran sa ating mamamayan, ay nilagdaan nang di dumaan sa requirement ng pag aanunsiyo at malayang negosasyon. Sa kabila ng matagalang pagmimina ditto, gaya din ng nararanasan sa ibang rehiyon, tumitindi na ang pagkasira ng ekosistema, ang pagkompromiso sa buhay, kalusugan, kultura at kabuhayan ng mamamayan.
Ginoong Chairman, mga kapwa ko mambabatas, ang administrasyong Arroyo ay kapansin pansin ang lantarang pagbebenta sa ating bayan. Nagkukubli sa likod ng kanyang mga tauhan para lamang maipagpatuloy ang kanyang katiwalian.
Ang pagtataksil sa sambayanan ay isang krimen na kailanman’y hindi naparurusahan ng ating batas. Ito ay isang mabigat na batayan na di karapat dapat na manatiling pangulo ng bansa si Gng Arroyo. Hindi ito maaring palagpasin sapagkat ito ay pagtalikod sa kapakanan ng sambayanan, sa pamamagitan ng pagpapabaya, pagsasawalang bahala, pagbibigay ng labis na pabor sa mga malalapit sa Pangulo, at iba pang mga gawain na nagdudulot ng di magandang reputasyon sa katungkulan ng Pangulo. Kasama na ang paghahadlang sa katarungan.
Kaya ang pagtataksil sa sariling bayan ay nangangahulugan ng pagpapatalsik sa ating Pangulo sa kanyang katungkulan.