Prepared remarks delivered at the Kabataan Partylist national convention, on 28 Sept. 2015 at the Amoranto Theater, Quezon City:
Thank you, President Marjo Tucay, for inviting me to speak at our party convention. President Marjo, I’m sure Hillary Clinton is envious of you now. You beat her to being elected president.
Thank you, Representative Terry Ridon, for being an outstanding congressman, a pugnacious fighter, and a worthy bearer of the name of our party.
Walang pinanganak na magaling sa DOTA o COC. Ito ay natutunan. Nagiging expert dahil sa marami at mahabang oras ng paglalaro. Nagiging masaya kapag team effort.
Wala ring pinanganak na kinikilig na lang basta sa AlDub. Kailangan munang mapanood ito. At kailangang masundan ang kalyeserye para malaman ang istorya at kiligin pa more.
Wala ka ring masyadong masasabi tungkol sa pelikulang Heneral Luna kung di mo pa ito napapanood, at umaasa ka lang sa kwento, reviews, quotes at meme. Kahit pa alam mo ang buhay ni Heneral Antonio Luna o ni Prime Minister Apolinario Mabini, malalaman at malalaman din kung napanood mo o hindi ang pelikula.
May nagtanong daw kay Epi Quizon, “bakit nakaupo lang at di tumatayo si Mabini” sa pelikulang “Heneral Luna”.
Ang sagot ng mga naninira sa Kabataan at walang bilib sa inyo: Putangina niyo, bobo!
Ang sagot ng Kabataan Partylist at mulat na mga kabataan ay: May polio si Mabini.
Ang Kabataan Partylist at ang “Pulitika ng Pagasa at Paglilingkod” ay parang DOTA, AlDub at Heneral Luna. Ang mismong partido ay nagsimula sa pagtatanong, pag-aaral at panonood sa mga tito at tita sa Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela. Hanggang sa nanalo, naging expert at ngayon ay mananalo uli.
Inaral ng mga nagtatag sa Kabataan Partylist ang bulok na tradisyunal na pulitika sa bansa, nakita ang oportunidad sa partylist system, tiningnan ang mga pagkapanalo ng mga naunang partylist, nagbuo ng sariling team, nagrekrut ng maraming kawal, nagpakilig sa maraming botante, pinunyeta ang mga bagong Paterno at Buencamino, at nakapagpaupo na ng dalawang kongresista. Patuloy na nag-aaral ang Kabataan Partylist, dumadami ang mga teams, kawal, tiniente at heneral, at dahil sa rekord nito sa loob at labas ng Kongreso, dumadami ng kinikilig.
Pero di doon nagtatapos ang lahat. Dahil ang Kabataan Partylist ay hindi para lang DOTA, Aldub o Heneral Luna. Ang Kabataan Partylist ay totoo. Ang mga uso ay nalalaos din, pero ang true love ng Kabataan Partylist — ang “Pulitika ng Pagasa at Paglilingkod” — ay forever.
May mga nagkakalat ng tsismis na ang kabataang Pilipino ay bobo, mangmang, walang pakialam, walang silbi, walang pag-asa at makasarili. Wala daw alam ang kabataan sa kasaysayan, rebolusyon at pagbabago. Totoo ba ito?
Kayo, mga lider at delegado sa national convention na ito at libo-libong miyembro sa buong bansa ay mga buhay na patunay na di totoo ang tsismis na ito.
Sa totoo lang, handa ang mga kabataan na pakiligin ang mga magulang at buong bayan sa Pulitika ng Pagasa at Paglilingkod: Tulong Kabataan kapag may kalamidad, pagkampanya laban sa tuition fee increase at para sa libreng kolehiyo, pagkondena sa pork barrel at lahat ng kurakot, trabaho/lupa/kabuhayan/karapatan para sa lahat, mabilis na internet, pagpababa ng taxes, mas maayos na mass transportation, pagkilala sa mga LGBT, pagsuporta sa mga Lumad, pagtatanggol sa OFWs at pagdepensa sa teritoryo laban sa China at US.
Sa totoo lang, handa ang kabataan na maging bagong Luna, Mabini, Rizal at Bonifacio. May kabataan ba na gustong maging Buencamino at Paterno? Wala. Siguro meron, pero wala sila sa Kabataan Partylist at sa convention na ito. Walang taksil at duwag sa Kabataan Partylist.
May plataporma at programa ang Kabataan Partylist para sa kabataan at buong bayan. Pinagusapan ito sa national council at convention na ito. Ipakilala natin ito sa lahat ng kabataan dahil hinihintay nila ito. Hinihintay nila kayo. Milyon-milyon ang mga botanteng kabataan, at marami pang di pa registered pero pwede nang makaboto sa 2016. Abutin natin sila, samahan natin sila na magresgister sa Comelec. Sila ang mga kawal. Marami sa kanila ang naghihintay lang mayaya at handa na maging tiniente at heneral. Kinikilig sila sa mga gusto ng Kabataan Partylist. Gawin natin ang lahat para abutin sila, parehistruhin, irekrut at tiyakin na makaboto.
Sa totoo lang, hindi ako naniniwala na mananalo ng isa o dalawang seats ang Kabataan Partylist. Kung mayorya ng mga Pilipino at botante ay kabataan tulad niyo, walang dahilan para di mag-asam na maging Number 1 at manalo ng tatlong seats sa 2016. Maraming araw pa para gawin ito. Kaya ba natin ito? Gusto niyo bang maging Number 1? Gusto niyo ba ng di lang isa o dalawa, kundi tatlong congressman? Pero gaya ng bar exams, medicine/nursing/arki/engg boards, kailangan ng review at paghahanda.
Inaanyayahan ko kayo na maging kampeon sa internet at social media. Punuin ninyo ang Facebook, Twitter, at YouTube ng mga positibong mensahe para sa Pulitika ng Pagasa at Paglilingkod. Ipakita ninyo ang totoong kabataan. Gamitin ang inyong alam at mag-aral ng bago. Maglabas ng mga meme, video at blog posts. Ipromote ang plataporma, programa at rekord ng Kabataan Partylist. Hamunin ang mga nega vibes ng bulok na sistema. Ibida ang good vibes ng pagasa at paglilingkod.
Ibig sabihin, wag lang kundenahin ang commercialized, colonial and repressive educational system. Ipromote din natin ang national, scientific and mass-oriented education. Ibig sabihin, wag lang kundenahin ang bulok na sistema. Ipakita natin ang mas maginhawa at mas maliwanag na bukas kapag ang bansa ay tunay na malaya at may demokrasya.
Saan manggagaling ang confidence natin? Simple lang. Sa katumpakan ng programa at plataporma, at sa magandang rekord ng Kabataan Partylist. Mabigyan lang tayo ng pagkakataon na magsalita at marinig, may kumpyansa tayong yayakapin, aangkinin, susuportahan at iboboto ang Kabataan Partylist — young ones man tulad niyo at mga kabarkada, o ng once young tulad ng mga tatay, nanay, tito at tita.
Sana sa 2066 o 2116, 50/100 years from now, balikan ng mga susunod sa inyo ang kasaysayan ng Kabataan Partylist. Sana ay mamangha at bumilib sila sa inyo. Sana maisapelikula nila ang pagkapanalo ng Kabataan Partylist ng three seats kahit pa maraming sakripisyo, paninira, pangmamamaliit, pangamba at takot. May kumpyansa akong kaya niyo ito.
Muli, maraming salamat. Congratulations sa Kabataan Partylist at umaasa akong sa June 30, 2016 ay may tatlong Kabataan Partylist representatives na manunumpa bilang bagong mambabatas sa Kongreso. ###