Makabayang KontraSONA

Here’s the full text of the Makabayang KontraSONA delivered by House Senior Deputy Minority Leader Neri Colmenares of Bayan Muna on August 10, 2015 at the House of Representatives:

Kay Speaker Sonny Belmonte, mga kapwa mambabatas, mga kawani ng Kamara de Representante, mga bisita at kaibigan, magandang hapon sa inyo.

Ginoong Speaker, may kasabihan po tayo: “Ang kasinungalingan, kapag paulit-ulit mong sinasabi, ay nagmimistulang totoo.” Paulit-ulit na sinasabi sa atin ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang pinakamalaking kasinungalingan ng kanyang administrasyon: ang “Daang Matuwid.” Ngunit paulit-ulit man itong banggitin at gamitin ng pangulo, paulit-ulit rin itong pahihindian ng mamamayan.

Ang ilalahad ko po ngayon ay ang “Kontra-SONA” ng mamamayan na inihanda ng blokeng Makabayan. Pinasisinungalingan ng Kontra-SONA ng mamamayan ang mahabang listahan ng diumano’y mga tagumpay o “accomplishments” ng administrasyon ni Aquino na kanyang inilahad sa kanyang pang-anim at panghuling State of the Nation Address o SONA.

Ipagkumpara po natin ang mga pangako at diumano’y tagumpay ni Pangulong Aquino at ang aktwal na nagaganap at nararanasan ng mamamayan.

Makabayang KontraSONA

Kapag pinakinggan mo ang SONA ni Pangulong Aquino, para bang nabawasan na ang kahirapan sa bansa at tila ba umaasenso na ang mamamayan.

Pero kabaligtaran nito ang totoong nangyayari. Ayon sa NSCB, halos hindi natinag sa 26% ang dami ng mahihirap sa bansa. Ngunit konserbatibo pa nga ito dahil nakabatay ito sa pinababang official poverty threshold na P8,778 kada buwan para sa isang pamilya [1]. Katumbas ito ng P58, uulitin ko, P58 kada tao kada araw! Mayroon kayang kahit isang tao sa kapulungang ito na mabubuhay nang disente sa P58 kada araw? Kasya ba ito na pambili ng pagkain, pambayad sa bahay, tubig, kuryente, pamasahe, pag-aaral ng anak at maintenance medicines natin, mga kapwa Kongresista?

Sa pagsisiyasat ng IBON Foundation[2], kung itataas sa P125 kada tao kada araw ang poverty threshold, aabot sa 66% o 66 milyong Pilipino pa rin ang mahihirap. Ang tanong: kasya ba ang P125 kada araw? Ayon sa IBON, ang kailangang kita kada araw ng bawat pamilya ay P1,088 o P181 kada tao. Pangulong Aquino, mukhang ibang bansa ang inilalarawan mo sa iyong SONA. Sa bansa natin, ang katotohanan ay higit 70% ang mahihirap na pamilyang Pilipino.

Kaya Ginoong Speaker, ano ang limang-taong “daang matuwid”? Ito ay daang diretso sa bangin ng mas malubhang kahirapan!

Paulit-ulit si Pangulong Aquino sa paalala: “Ituloy ang daang matuwid, huwag na tayong bumalik sa daang baluktot.” Pangulong Aquino, kung wala kayo sa daang baluktot, bakit pinalabnaw na nga ninyo ang FOI bill pero ayaw n’yo pa ring i-certify na urgent ito? Kung hindi kayo baluktot, bakit pinalaki ninyo ang inyong pork barrel? 

Pangulong Aquino, kung hindi kayo baluktot, bakit pinagtatakpan n’yo ang katiwalian sa MRT, NFA at Customs? Kung hindi kayo baluktot, bakit pinoprotektahan pa ninyo ang inyong mga tiwaling opisyal at kaalyado? Bakit tanging mga kalaban ninyo ang pinupuruhan ng pag-uusig ng DOJ at Ombudsman?  

Kaya Ginoong Speaker, ano ang limang-taong “daang matuwid” ng rehimeng Aquino? Ito ay daang diretso sa bangin ng talamak na katiwalian ng mga nasa administrasyon!

Ngunit ano nga ba ang pangunahing dahilan ng laganap na kahirapan? Korupsyon ba? Hindi po. Ang korupsyon ay dagdag na pahirap ngunit hindi ito ang pangunahing dahilan ng laganap na kahirapan.

Marami ring korap sa Tsina, South Korea, Taiwan, Malaysia, ngunit maalwang di hamak ang buhay ng mga tao sa kanila kumpara sa Pilipinas. Ang kaibahan, ang mga bansang ito ay nag-industriyalisa, nagpatupad ng reporma sa lupa at nagmodernisa ng agrikultura. Tayo hindi.

Sa aming pagsusuri, nag-uugat ang laganap na kahirapan sa limang kawalan – una, kawalan ng tunay na reporma sa lupa; ikalawa, kawalan ng pambansang industriyalisasyon; at ikatlo, kawalan ng makatarungang pamamahagi ng yaman. Ang tatlong ito ay nangyayari dulot ng ikaapat at ikalimang kawalan, ang kawalan ng tunay na kasarinlan, at ang kawalan ng tunay na demokrasya. 

Naghihirap ang mayorya ng magsasaka dahil sa kawalan ng tunay na reporma sa lupa at sapat na suporta mula sa gubyerno. Pekeng reporma sa lupa ang CARP na pinalawig pa ng CARPer. Peke dahil napakaraming probisyon nito ay para sa exclusion, exemption at kumbersyon ng lupang agrikultural. Peke dahil hindi libreng ipinamahagi ang lupa sa mga magsasaka. May 75% ng beneficiaries ang hindi nakakabayad ng amortisasyon dahil kulang pa ang ani nila sa kanilang pangangailangan. 

Ngayon, nakakonsentra ang 2.8 milyong ektaryang lupa sa kamay ng mga asendero at mga bagong tipo ng landlord, kabilang na ang mga tinatawag na land developer. Aabot sa 70% ng mga magsasaka ang walang lupa o kulang ang lupang binubungkal. Pinahihirapan sila ng mataas na upa sa lupa, mataas na interes sa usura at pambabarat sa presyo ng kanilang mga produkto. Pangulong Aquino, bakit hanggang ngayon, walang hustisya sa Hacienda Luisita?

Pinagkaitan pa ng gubyernong Aquino ng sapat na suporta at subsidyo ang mga magsasaka. Pangulong Aquino, bakit wala pa ring irigasyon ang 1.3 milyong ektarya mula sa tatlong milyong ektaryang irrigable lands?[3] Bakit ipinagkait mo ang suporta at subsidyo sa kanila? Bakit pinayagan mo ang garapalang importasyon at smuggling?

Nagigipit din ang maliliit na mangingisda dahil sa pang-aagaw ng malalaking lokal at dayuhang fishing companies.

Nagdurusa ang mga mamamayang Moro, Cordillera at katutubo dahil sa pang-aaagaw sa ancestral lands at mapangwasak na pagmimina, pagtototroso at quarrying ng malalaking dayuhang korporasyon.

Ginoong Speaker, ang limang-taong “daang matuwid” ay daang diretso sa bangin ng pagsasamantala ng iilang asendero, foreign mining companies, mga importer at smuggler.

Hindi makapagbigay ng sapat na trabaho ang ekonomya natin sa ating mamamayan dahil sa kawalan ng programa para sa industriyalisasyon ng bansa.

Bulag na sinunod ni Pangulong Aquino ang dikta ng US, IMF-World Bank at WTO. Liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon o globalisasyon. Ito ang magic words ni Pangulong Aquino. Ito rin ang sumpa at salot sa industriya at agrikulturang Pilipino.

Nagtuon ang gubyerno sa pagpapalaki ng labor export, real estate, business process outsourcing, import-dependent semi-manufacturing for exports at tourism. Paano tayo mag-iindustriyalisa kung ganoon ang tuon ng ekonomiya?

Ang resulta ng globalisasyon: mula 30% noong 1971 bumagsak ang bahagi ng manupaktura sa GDP sa 22%. Mas malala ang pagbagsak ng agrikultura. Mula higit 40% noong 1940, lumagpak sa 11% na lang ang bahagi nito sa GDP. Kaya’t malala ang disempleyo: 30% ang walang trabaho o kulang ang trabaho at 12 milyon ang nangibang-bansa para magtrabaho.

Dagdag pa rito, pinayagan ng pamahalaan ang malaganap na kontraktwalisasyon ng paggawa. Ipinagkait sa mga kontraktwal ang seguridad sa trabaho, karapatang mag-unyon at maging ang napakababang minimum na sahod. Bago matapos ang anim na buwan, end of contract, o “Endo” na sila.

Sa rehimen ni Pangulong Aquino, umabot ng 44% ng manggagawa ang hindi regular at ang agency-hired. Sa ating bansa, walang nakasulat na kontrata ang 63% na nagtatrabaho.

Ginoong Speaker, ang limang-taong “daang matuwid” ay daang diretso pala sa bangin ng lalong pagbagsak ng industriya at malalang disempleyo!

Ipinagyayabang ng gubyerno ang 6-7% paglago ng GDP. Ang tanong, sino ang mga nakinabang? Ayon sa Forbes[4], mula P738 bilyon noong 2009, lumaki ng 337% sa loob ng limang taon o P3.2 trilyon[5] ang pinagsama-samang yaman ng 40 pinakamayayamang pamilya sa Pilipinas. Wow, 337%! Wow, P3.2 trilyon! Mas malaki pa ito sa panukalang pambansang badyet para sa 2016.

Ang malupit, barya-baryang umento sa sahod ang ibinigay sa mga manggagawa at kawani. Sa NCR, tumaas lamang ang arawang sahod ng P77 o 19%. Inuulit ko, 19% lang ang itinaas ng arawang sahod sa loob ng limang taon, mula P404 ay naging P481 ngayong 2015[6]. Kung hirap ang regular na mga manggagawa, lalong hikahos ang napakaraming kontraktwal at walang trabaho. 

Pangulong Aquino, may magagawa ka para mabawasan ang hindi makatarungang agwat ng kita ng mayaman at mahirap, at para madagdagan ang kita ng mahihirap.

Pero bakit hindi mo ipinasa ang makatao at makatarungang mga dagdag na sahod? Bakit hindi mo ipinasa ang P125 dagdag sa arawang sahod para sa pribadong sektor at ang P6,000 dagdag sa buwanang sahod para sa mga kawani ng pamahalaan? Bakit ipinagpatuloy mo ang hindi-tuwiran at regresibong sistema ng pagbubuwis na mas mabigat na pinapasan ng mahihirap? 

Pangulong Aquino, bakit sa halip na palawakin mo ang serbisyo-publiko ng gubyerno, isinasapribado mo ang mga ospital at paaralan? Bakit ipinagpapatuloy mo ang mga patakaran ng pribatisasyon at deregulasyon na nagresulta sa labis na pagtaas ng presyo ng kuryente, tubig at langis, at toll fees. Kabilang rin ang hindi maabot at hindi makatarungang singil sa MRT at LRT sa gitna ng bulok at palpak nitong serbisyo? 

Ginoong Speaker, ang limang-taong “daang matuwid” ay daang diretso sa bangin ng higit na paglaki ng agwat ng kita ng iilang mayaman at napakaraming mahirap, ng pagkakait ng saligang serbisyo, at ng matataas na presyo ng bilihin. 

Paulit-ulit na sinasabi ni Pangulong Aquino, “Kayo ang boss ko.” Aba! Sino-sino ba iyang mga “kayo” na iyan? 

Kaninong interes ba ang nasunod sa patuloy na pagkakait ng reporma sa lupa at ng redistribusyon ng yaman? Ang malinaw pa sa malinaw ay ang interes ng iilang asendero, land developer at malalaking kapitalista ang pinoprotektahan ng pangulo. Sila ang tunay na boss ni Pangulong Aquino at hindi ang mga magsasaka, manggagawa, mangingisda at katutubo. Hindi ito ang tunay na demokrasya, hindi ang demokrasya ng mayorya ang nasusunod kundi ang diktadurya ng iilan. Ang malupit pa nito, nagpapatuloy ang mga paglabag sa karapatang pantao. 

Batay sa Marso 2015 na update ng Karapatan[7], may 238 kaso ng extrajudicial killings, 110 kaso ng torture, 26 kaso ng enforced disappearances, at higit 125,000 kaso ng harassments, threats at intimidation sa mga mamamayan, laluna sa hanay ng mga progresibo at aktibista.

“Hari ng Trahedya” si Pangulong Aquino at isang malaking disaster ang kanyang administrasyon! Kapahamakan at kamatayan ang idinulot ni Pangulong Aquino sa Mamasapano fiasco. Dahil naman sa palpak na pagtugon ni Pangulong Aquino, mas lumala ang trahedyang ibinunga ng mga kalamidad gaya ng mga bagyong Yolanda, Pablo, at Ondoy.

“Manloloko” rin ang gobyernong Aquino! Niloloko ng gubyerno ang MILF! Ang diumano’y Bangsamoro Basic Law o BBL ay naging “Bigay-Bawi Law”. Tinalikuran naman ni Pangulong Aquino ang kasunduan sa NDF! Sa katunayan, ikinulong ng gobyernong Aquino ang 15 JASIG-protected peace consultants at itinigil ang usapang pangkapayapaan.

Ginoong Speaker, ang limang-taong “daang matuwid” ay daang diretso sa bangin ng pagkakait ng tunay na demokrasya at ng paglabag sa karapatang pantao.

Paulit-ulit na sinasabi ni Pangulong Aquino, “Kayo ang boss ko.” Kaninong interes ang nanaig nang sundin ni Pangulong Aquino ang dikta ng gobyerno ng Amerika, IMF-World Bank at WTO sa neoliberal na globalisasyon at hindi tahakin ang makabayang industriyalisasyon? Kaninong interes ang nasunod nang pirmahan ng gubyerno ang EDCA para makabalik ang base militar at pasilidad-militar ng US sa Pilipinas? “Unli” o “unlimited” pa ang pagbabalik ng mga mananakop na ito! Hindi lang base at pasilidad ang pinahihintulutan, kundi maging “unlimited” activities, duration, location at number of troops! Rent free at tax free pa ang mga ito! Nagkamali lang siguro si Pangulong Aquino ng pagbigkas sa mga katagang “KAYO ang boss ko.” Ang tamang bigkas pala dapat ay “KANO ang boss ko”.

Sabi ni Pangulong Aquino, ipagtatanggol ng US ang Pilipinas laban sa pang-aagaw ng Tsina sa West Philippine Sea. Niloko tayo ng US, niloko tayo ni Pangulong Aquino. Hindi pinigilan ng US ang pag-agaw ng Tsina sa Panatag Shoal at ngayon ang pag-reclaim ng pitong isla o bato sa Spratlys. Dapat na tayong matauhan, tayong mga Pilipino ang magtatanggol sa Pilipinas laban sa pang-aapi ng dayuhan, US man o Tsina.

Ginoong Speaker, ang limang-taong “daang matuwid” ay daang diretso pala sa mas matinding paglapastangan sa ating pambansang interes at kasarinlan!

Tama na! Tapusin na natin ang kasinungalingan at panlilinlang ng “daang matuwid”! Ang kailangan ay tahakin ang bagong daan – ang daan para sa industriyalisado at progresibong Pilipinas. Nananawagan ang mamamayan, kami sa bloke ng Makabayan, na isulong ang laban sa bagong daan ng pag-unlad ng mamamayan. Tandaan natin, “Walang mali sa paglaban. May mali kaya lumalaban.” Ang paglaban natin ay pagpapanday ng bagong lipunan. Kung kaya, makatarungan lamang ang ating mga panawagan:

  1. Ipasa ang genuine agrarian reform bill at bigyan ng sapat na suporta ang magsasaka at sektor ng agrikultura.
  2. Itaguyod ang programa para sa industriyalisasyon ng bansa.
  3. Palawakin ang pondo at serbisyo-publiko para sa kalusugan, edukasyon, pabahay, patubig, sweldo at pensyon. 
  4. Itaas ang sahod, ibaba ang presyo ng mga bilihin, at gawing progresibo ang sistema ng pagbubuwis. 
  5. Igalang ang mga karapatang pantao. Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal. Isulong ang peace talks. 
  6. Isulong ang mga repormang pulitikal at elektoral para lumaki ang representasyon at boses ng mayoryang mahihirap sa pamahalaan. 
  7. Igiit at panaigin ang pambansang soberenya at interes laban sa mga imposisyon ng US, China at iba pang makapangyarihang bansa.

Maraming salamat po. Muli, magandang hapon sa lahat!

Endnotes:

[1] http://www.nscb.gov.ph/pressreleases/2015/PSA-20150306-SS2-01_poverty.asp

[2] IBON, Ang Tunay na Legasiya ng Rehimeng Aquino, July 2015

[3] National Irrigation Authority as of December 2014, http://nia.gov.ph/updates/statusofirrigationdevelopment.pdf

[4] Rich list: the 50 richest in the Philippines, Abs-CBNnews.com Aug 28, 2014 as cited by IBON, July 2015

[5] US$ 16.6B in 2009 to US$ 71.7B, converted US$ 1= PhP 45, based on exchange rate of BSP Aug 5, 2015, http://www.bsp.gov.ph/statistics/sdds/exchrate.htm

[6] http://www.gov.ph/2014/05/01/minimum-wage-changes-throughout-history/

[7] Karapatan Monitor, January-March 2015

Acknowledgment: Photo of Rep. Colmenares is from Pinoy Weekly.